‘wag mong sukuan ang sarili mo

shewritesforsvt
3 min readJul 30, 2024

--

para sa magiging ako sa s/y 2024–2025

Photo Owner: Lee Dokyeom

Kumusta? ‘Wag kang magtatangkang sagutin ako ng bulok na sagot na okay lang. Dahil kung maloloko mo ang ibang tao, hindi mo maloloko ang sarili mo.

Ang hirap na naman ba? Hindi ka na naman nakakatulog nang maayos sa gabi? Nag-sisiyesta ka na naman nang patago kapag wala ang instructor? Maputla na naman ang mga labi mo kasi mas lamang ang kagustuhang mag-aral kaysa kumain?

Hindi ka na natuto. Punong-puno ang plato mo pero nagrereklamo pa rin ang tiyan mo. Hindi naman kasi pagkain ang nakahain sa hapag kungdi obligasyon na umusad at hindi pumalpak.

Iniisip mo pa rin ba kung tunay na para sa’yo ang landas na tinatahak mo? Mas lamang pa rin ba ang duda sa puso mo?

Pamilyar ako sa nararamdaman mo. Bawat sulok ng mga tanong na walang sagot, bawat segundo ng mga matang natutulala sa kawalan.

Pero alam mo, masaya ako para sa’yo. Hindi dahil nasa panahon ka na naman ng pagdurusa kungdi dahil patuloy kang lumalaban. Gusto mong marinig ang totoo? Kung ginusto mong hindi magpatuloy noon, wala ka sa kinalalagyan mo ngayon. Kung asan ka ngayon, tandaan mong ito ang sagot sa dalanging minsan mong ibinulong sa hangin.

Marahil nagtatataka ka sa kung saan galing ang katauhan ko. Ikaw at ako ay iisa. Iisang dugo ang dumadaloy sa katawan nating nagugutom, na sagot ay kaginhawahan at umangat sa buhay.

Kung sa oras na wala ka ng rason para magpatuloy, kung minsan ay isang pitik na lang ay gusto mo nang tuldukan, sana maalala mo ako at ang liham na isinulat ko para sa sa’yo. Isang araw sa buwan ng Hulyo ay sumulat ako ng mga paalala sa’yo. Alam kong mahirap ang sitwasyon mo riyan pero sana ay magpatuloy ka.

Dahil ako at ang mga hindi ko mabilang na nakalipas na bersyon mo (natin) ay naghihintay na tapusin ang minsan mong sinimulan. Hindi ka man namin mayakap para patahanin, hindi ka man namin matulungan sa bawat pagsubok, palagi kaming nag-aabang na mayakap mo ang tagumpay.

Lumingon ka palagi sa amin at parati kaming papalakpak kahit ika’ y papalpak.

Tanaw ka namin sa harap palagi. Ang bawat yapak mong umuusad ay nilalapit tayo sa susing magbubukas ng pinto ng tagumpay para sa ating lahat.

Dahil ang bawat panalo mo, gaano man kalaki ay panalo nating lahat.

Kaya iiyak mo lahat sa gabi ngunit huwag mong kalimutang sumubok ulit kinaumagahan.

Wala kami sa iyong paningin ngunit ramdam ka namin. Dama ka namin palagi kaya sana dama mo rin kami.

Dalhin mo kami palagi. Kahit saan. Sa bawat talo. Sa bawat panalo.

At kapag tapos na ang tungkulin mo ay sasama ka na sa amin. Dahil may bago ng bersyon ang papalit sa’yo.

‘Wag mong sukuan ang sarili mo, ha? ‘Wag mo kaming sukuan.

para sa bawat estudyanteng katulad ko, mas lamang man ang pag-alala natin sa mga sariling pangarap kaysa sa oras nang pagtulog, patuloy lang. mahal tayo ng ating mga dating bersyon — ang batang tayo at anumang nakaraang tayo.

fight lang nang fight. horanghae!

--

--

shewritesforsvt

—in the process of penning thoughts; say the same from twenty until infinityᵕ̈